Saturday, July 5, 2008

Ang Alamat ng Hangin



Si Haling, anak ng Sultang Kurimaw, ay isang maganda at maputing dalaga। May matangos na ilong, mapupulang labi at nangingintab sa kaitiman na mahabang buhok. Lahat na nga ng katangian na isinaboy ng Lumikha sa mundo ay napasakamay niya. Kaya naman, di maikakailang maraming babae ang naiingit sa kanya. Sa kabila ng halos perpektong katangian niya, ay may isang Haling na nagtatago sa kanyang likuran. Isang bata na hindi kuntento sa kung ano ang meron siya. Isang bata na lahat ng gustuhin ay dapat masunod. Isang batang pilya na gagawin lahat, kahit makasakit ng kapwa, mapunan lang ang lahat ng luho.

Nung minsang ang kanyang katulong sa bahay ay naglilinis sa loob ng kanyang aparador, pasadya niyang sinipa ang pinto at nakulong ng wala sa oras ang katulong. Umiiyak na sa paghingi ng tulong ang katulong, ngunit wala siyang ginagawa at palihim pa niya itong pinagtatawanan. Minsan namang nagdidilig sa hardin ang kanilang hardinero, ay papilya niyang pinag-sisisipa at pinag-sisisira ang mga halaman, bulaklak at pati mga pananim na naging dahilan ng pagkatanggal ng kanilang hardinero sa kanyang trabaho. Hindi pa doon nagtatapos ang kapilyahan ni Haling. Nung naglalaro sila ng kanyang kaibigan sa salas, pasadya niyang ginupitan ng pagkahaba-haba ang buhok ng kaibigan at sinabi na parte pa din iyon ng kanilang paglalaro. Masayang-masaya si Haling sa lahat ng kapilyahang ginagawa niya sa lahat ng tao na nakikita niya sa kanyang paligid.

Narindi na dahil sa pighati at pag-iyak ng mga tao ang Diyosa, kaya nagpasya itong magpakita kay Haling upang pagbalaan. Dahil sa labis na pagkapilya, hindi nagulat si Haling sa papapapakita ng Diyosa, bagkus, nilait-lait muna niya ito at pinagtawanan. Dahil siguro sa kakaiba nitong pananamit dahil nga sa isa siyang Diyosa. Hindi kumibo ang Diyosa dahil batid na niyang likas na iyon kay Haling, kaya hinayaan na lang niya ito at hinantay na matapos. Nang matapos na si Haling sa kakatawa, pataray siyang humarap sa Diyosa at dali-daliang sinabi, “sino ka naman at bakit ka nandirito sa aking kwarto?” Hindi sumagot sa tanong ni Haling ang Diyosa, bagkus, ito ay lumutang sa ere at sabay sabing, “sobra na ang iyong kapilyahan, dapat ka ng parusahan. Unti-unti kong kukunin mula sa iyo ang iyong mga mahal sa buhay at sisimulan ko ito sa iyong ama.” Hindi natinag si Haling at sinabi pa niya sa Diyosa, “ hindi ako natatakot sa mga pinagsasabi mo at wala akong pakialam sa’yo.” Hindi pa tapos sa pagsasalita si Haling ay bigla na lang kuminang ang Diyosa at ito ay naglaho. Nabigla si Haling dahil nawala nalang ng parang bula ang Diyosa kaya napabulong na lang ito sa sarili na, “naiingit lang siya sa akin dahil ‘di hamak na mas maganda ako sa kanya.” At sinundan pa ito ng malalakas na tawa.

Isang araw, tinamaan ng hindi maipaliwanag na sakit ang Sultang Kurimaw. Dahil sa nag-iisang anak at nais maging atraksyon sa palasyo, ang anak niyang si Haling ay gumawa ng mga paraan upang malunasan ito. Nagpaimbento ng mga kakaibang gamot, lumapit sa mga iba’t-ibang albularyo at maging ang pagkonsulta sa mga kulto ay ginawa na niya. Ngunit wala ni isa sa mga ito ang nakalunas, ni nakabawas sa karamdamang nakalapat ngayon sa katawan ng Sultang Kurimaw. Halos sampung araw na simula nung siya’y tamaan nito at maging hanggang ngayon ay wala pa ring nakakalunas dito. Natatakot na si Halina sa mga nangyayari sa ama sapagkat ito ay nag-aagaw buhay na. Sa sobrang bigat ng nararamdaman ni Haling sa mga nangyayari, kumaripas siya ng takbo palabas ng palasyo at nagpalabas ng malakas na panaghoy habang nananakbo. Isang oras at kalahati na siyang nag-iiiyak sa tabi ng magpasya na ang Diyosa na magpakita kay Haling. Nagunita ni Haling ang presensya ng Diyosa at ito ay tumayo. Walang pakundangan niyang sinisi ang Diyosa kahit wala pa siyang katunayan na ito nga ang dahilan kung bakit nagkaroon ng kakaibang sakit ang kanyang ama. Sinabi niya na ang Diyosa ang lumikha ng sakit at pautos niyang sinabi na alisin niya ito agad-agaran. Hindi na lang muna kumibo ang Diyosa dahil ayaw niyang sabayan ang galit ni Haling. Nang matapos na si Haling sa pagbubulyaw, nagsalita na ang Diyosa at ang sabi. “Ako nga ang siyang may gawa ng sakit na nararamdaman ngayon ng iyong ama, ngunit may dahilan ako kung bakit ko ito ginawa. Ginawa ko ito upang baguhin mo na ang iyong masamang ugali at upang sa ikaw ay matuto. At upang maranasan mo ang masaktan, upang matigil na ang iyong kapilyahan. Ginawa ko ito upang matuto ka.” Hindi nakakibo si Haling. Nagulat siya sa lahat ng mga sinabi ng Diyosa. Sampung minuto siyang nanahimik at nag-isip. Tumigil na si Haling sa pag-iyak pagkatapos ng ilang oras at naki-usap na siya ay patawarin na siya ng Diyosa at bigyan pa siya ng isa pang pagkakataon. Naramdaman naman ng Diyosa ang malinis na hangarin at taos-pusong pagsisisi ni Haling, kaya nagpasya na itong alisin ang sakit sa Sultan ngunit sa isang kundisyon. Mawawala si Haling at ‘di na muli pang makikita, mawawala rin ang sakit. Sa labis na pagmamahal ni Haling sa kanyang ama ay nagpasya itong pumayag sa kasunduan.

Gumaling na nga ang Sultan at muling sumaya ang kaharian. Nagdiwang ang buong kaharian at napuno ng kasiyahan ang apat na sulok nito. Sa kalagitnaan ng pagsasaya ay namalayan ng Sultan na wala ang kanyang anak. Nagulo ang lahat at ipinahanap ng Sultan ang kanyang anak sa lahat ng kanyang mga kawal. Sa pagdaan ng oras, wala ni isa ang nakakita kay Haling. Dumaan ang ilan pang mga araw, ngunit ni kahit isang bakas ni Haling ay walang nakakita. Hindi na alam ng Sultan ang kanyang gagawin. Dahil sa likas na mabuti ang Diyosa, nagpasya ito na magpakita sa Sultan at ipinaliwanag nito ang lahat ng kaganapan. Mula sa kapilyahan ni Haling, sa sakit na dinanas ng Sultan at hanggang sa kasunduan nila ni Haling. Pagkatapos ibahagi ng Diyosa ang lahat, napaiyak at ‘di makapaniwala ang Sultan sa mga narinig niya. Hindi niya kasi lubos maisip na ang pinakamamahal niyang anak ay may tinatago pa lang masamang ugali. Naglaho na ang Diyosa at nagsimula na ang Sultan sa pag-iyak. Walang magawa si Haling sa kalagayan ng ama. Napaiyak na lang din siya sa mga nakikita ng kanyang dalawang mata. Tunay ngang napaka- maawain ng Diyosa at binasbasan niya si Haling upang kahit hindi siya makita ay maramdaman naman siya. Sa kalagitnaan ng pag-iyak ng Sultan, ay nakadama siya ng dampi mula sa isang bagay na ‘di nakikita. Hindi alam ng Sultan na ang bagay na ito ay si Halina na nakayakap sa kanya, kaya nagpatuloy pa din ito sa pag-iiyak. Habang lumalala ang paghihirap ng Sultan ay siya namang higpit ng pagkakayakap ng bagay na hindi nakikita. Bigla na lang pumasok sa gunita ng Sultan ang anak niyang si Halina dahil pamilyar ang pagkakahigpit ng bagay na hindi nakikita sa Sultan. Naaalala ng Sultan ang yakap ni Haling dahil sa bagay na iyon na hindi nakikita.

Sa pagdaan ng araw ay hindi pa rin humihiwalay ang bagay na hindi nakikita sa Sultan kaya nagpasya itong isipin na lang na ang bagay na hindi nakikitang iyon ay ang kanyang pinakamamahal na anak. Ibinatay ng Sultan ang pangalan ng bagay na hindi nakikita sa pangalan mismo ng kanyang pinaka-mamahal na anak, na di naglaon ay kinasanayan na itong tawagin na “hangin” na binigyan interpretasyon ng mga tao sa palasyo na ang ibig sabihin ay “wagas na pagmamahal na hindi nakikita ngunit nararamdaman.”


Vasadre, Carlo Angelo E.

BSN 2-8

1 comment:

Panitikan BSN2-8 said...

napakahusay ng iyong gawa. nakakainspire