Saturday, July 5, 2008

Alamat ng iguana

“Ang alamat ng Iguana”

Noong unang panahon, matatanaw sa di kalayuang lugar ang bundok Iba. Maraming nagsasabi na ang lugar daw na ito ay mahiwaga, sapagkat mayroon daw ditong isang napakagandang babaeng naninirahan na may angking kapangyarihan. Ayon sa mga sabi-sabi, ang pangalan daw niya ay Sophia. Pinaniniwalaan ng marami na isa siyang diwata, ngunit ayon naman sa iba ay isang mangkukulam. Ayon sa matandang sabi-sabi, kung ikaw daw ay may minimithing napakahalagang bagay, ay lumapit ka lamang sa kanya. Kung ikaw ay papalarin, ikaw ay kanyang pagbibigyan, ngunit kung hindi naman, kukuhanin niya ang iyong kaluluwa at habambuhay ka na niyang ikukulong sa kanyang mahiwagang botelya, na magdadala sayo sa walang katapusang kahirapan. Walang makapagsabi kung bakit ito ginagawa ni Sophia, ni wala ring makapagsabi kung totoo nga ito sapagkat ni isa sa kanila ay walang sumubok na lumapit sa bundok na ito.
Sa paglipas ng ilang taon, may isang binatilyong nagngangangalang Guana ang nagsubok makapasok rito, upang hilingin ang paggaling ng kanyang ina. Tatlong taon nang naghihirap ang kanyang ina sa malubhang karamdaman, at dahil kapos sa kaalaman at salapi, wala siyang trabaho at ipong makuhanan ng ipagpapagamot sa kanyang ina. Wala na rin silang mga kamag-anak na malapitan sapagkat iniwan na sila ng mga ito dahil sa hindi nila pagkakasunduan. Iniwan na rin naman sila ng kanyang sariling ama, kung kaya’t sila na lamang dalawa ang nagaalaga at nagdadamayan sa isa’t-isa. Kaya naman kahit may dala-dalang takot sa puso na maaaring hindi na makabalik sa piling ng ina, at walang mag-pagamot dito ay tumuloy pa rin siya.
Naging mahirap para sa kanya ang paghahanap kay Sophia dahil hindi naman niya kabisa ang daan doon. Sa pagdating niya sa kalagitnaan ng bundok, natagpuan niya ang isang napakalinis na batis. Nang dumukwang siya rito upang uminom, biglang lumitaw sa gitna ng batis ang isang napakagandang babae. Sa loob-loob niya, ito na siguro si Sophia na siyang makakatulong sa kanya. Kung kaya’t nang makalapit ito sa kanya, dalidali siyang lumuhod dito at nagmakaawa. Agad niyang sinabi ang pakay niya gayundin ang kwento ng kanyang buhay. Habang siya’y nagkukuwento, patuloy ang pag-tulo ng kanyang luha sa kanyang mukha, sa habag sa kahirapang kanilang nararanasan. Nahabag naman si Sophia sa kanyang nakita at narinig, sapagkat ramdam na ramdam niya ang sinseridad sa tinig ng binata. Kung kaya’t ipinagkaloob niya ang ninanais nito, pati na rin ng sapat na salapi para sa pang-araw-araw na pangangailangan nila.
Sa pagbabalik niya sa kanilang tahanan, natagpuan niya na magaling na ang kanyang ina, kung kaya’t labis labis ang kanyang naging pasasalamat kay Sophia. Dahil sa pangyayaring ito, bumalik siya sa bundok upang magpasalamat dito. Nakapagkwentuhan din sila sa pananatili doon ng binata, kung kaya’t naging magkaibigan sila na naging dahilan upang araw-araw bumalik si Guana sa nasabing bundok. Nahulog naman ang loob ni Sophia kay Guana at nang malaman ito ni Guana, pumasok ang maitim na balak sa kanyang isipan. Nagpanggap siyang may nararamdamam din para sa dalaga, upang patuloy na makahingi ng mga pangangailangan niya. Dahil minamahal siya ni Sophia, lahat ng hinihiling nito sa kanya ay ipinagkakaloob niya. Ngunit, nagbunga lamang ito ng pagkakaroon ng maraming bisyo ni Guana. Na sa tuwing mauubusan siya ng salapi, bumabalik siya sa Bundok Iba upang humingi uli ng salapi kay Sophia. Natuto si Guanang manloko at mang-api ng kapwa para lamang sa salapi. Nabulag siya ng kinang nito na kung minsan, ang pambili pa ng pagkain ng kanyang ina ang ginagamit niya sa sugal at pambababae.
Hindi ito nalingid sa kaalaman ni Sophia dahil nakita niya ang lahat ng bagay na ito sa kanyang mahiwagang talon, na siyang salamin niya sa labas ng bundok. Nakita niya kung paanong nagbalat-kayo si Guana para lamang makapanloko ng iba at magkaroon ng maraming pera. Naging mapagbalat-kayo rin ito sa nararamdaman para sa kanya, gayundin sa kapwa niya. Kung kaya’t kahit masakit, nagdesisyon siya na isinumpa ito alang-alang sa ikabubuti ng marami.
Sa muling pagbabalik ni Guana, doon natupad ang sumpang sa kanya ay idinapo ni Sophia.
“Guana, sinayang mo ang tiwala at pagmamahal na ipinagkaloob ko sa iyo. Naging ganid ka at natutong manloko para lamang sa salapi. Naging mapagbalat-kayo ka sa iyong nararamdaman gayundin sa iba para mailigtas ang iyong sarili, kahit ikakapahamak pa ng iba lalo pa ng sarili mong ina. At hinding-hindi ko ito mapapalampas, kung kaya’t bilang kaparusahan sa iyong kapangahasan, gagawin kitang isang Iguana na siyang kakatakutan ng marami, nagpasasa ka sa kasarapan ng buhay kung kaya't simula ngayon, wala ka ng iba pang kakainin kundi pawang mga insekto na lamang. Magkakaroon ka rin ng kakayahang magpalit ng kulay ng balat, tanda ng iyong pagiging mapagbalat-kayo para lamang makapagtago sa kapahamakan mula sa iyong kapwa”, ani ni Sophia.
At sa isang iglap, natupad ang sumpa kay Guana. Hindi na siya nagkaroon ng kakayahan upang makapanlamang sa iba, bilang isang Iguana.
Ni:
Tolentino, April May C.
BSN 2-8

No comments: